You are here

Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano

 

Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano

(Parable of the Good Samaritan)

Lucas 10:25-37

Mensahe ni Pastor Eric Chang

Magpapatuloy tayo sa pag-aaral natin sa mga tinuro ng Panginoon. Muli tayong babalik sa mga talinghaga ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo ayon kay Lucas. Pero bago natin gawin ito, nais kong basahin sa inyo ang ilang salita mula sa Mateo 15 dahil malaki ang kinalaman nito sa ating pinag-aaralang sipi.

Pinapawalang-Bisâ ng mga Pantaong Tradisyon ang Salita ng Diyos

Sa Mateo 15:1-2 ay mababasa:

Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem, at sinabi nila, “Bakit lumalabag ang iyong mga alagad sa tradisyon ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago sila kumain ng tinapay.”

Dapat kong sabihin sa inyo na ang paghuhugas ng kamay rito ay walang kinalaman sa kalinisan, sakaling iniisip ninyo na binabalewala ng mga alagad ang kalinisan kaya hindi sila kailanman naghuhugas ng mga kamay. Hindi, hindi iyon ang punto rito. May kinalaman ang paghuhugas ng kamay rito sa pang-seremonyang paghuhugas ng kamay, hindi sa kalinisan. Ibig sabihin nito, kahit na malinis na malinis ang inyong mga kamay, pero kung hinawakan ninyo ang anumang bagay na di-malinis, kung gayon ang inyong mga kamay ay di-malinis ayon sa kalinisang pangseremonya.

Halimbawa, kung sa pamamalengke ninyo, hinawakan ninyo ang mga bagay na ibenebenta ng mga Hentil, kung gayon, naging marumi kayo. Sa katunayan, anumang may kinalaman sa mga Hentil, iyon ay, sa mga di-Judio, ay di-malinis. Halimbawa’y hinawakan ng isang Hentil ang librong-himnong ito. Kapag hinawakan din ito ng isang Judio, magiging ‘marumi’ siya, kahit na napakalinis ng librong ito. Kaya, ano’ng dapat gawin ng Judio? Kailangan niyang hugasan ang mga kamay niya. At kaya, walang kinalaman ang paghuhugas dito sa dumi sa mga kamay; sa halip, may kinalaman ito sa pangseremonyang karumihan.

Sa bs. 3 ay mababasa naman na sinagot ni Panginoong Jesus ang mga Fariseo’t eskriba,

Sumagot siya sa kanila at sinabi, “Bakit lumalabag naman kayo sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon?”

Anong tradisyon? Ang tradisyon ng paghuhugas ng kamay! Walang kinalaman ito sa kautusan ng Diyos; ito’y pantaong utos.

“Bakit lumalabag naman kayo sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon? Sapagkat sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina;’ at ‘Ang magsalita ng masama sa ama o ina, ay dapat mamatay.’ Ngunit sinasabi ninyo sa sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, na ‘Anumang pakikinabangan mo mula sa akin ay ipinagkaloob ko na sa Diyos. Ang taong iyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.

Dito’y dapat kong ipaliwanag kung ano’ng kahulugan nito. May alituntunin ang mga Judio na kung may anumang inialay sa Diyos, o kung nasabing, “Iaalay ko ang bagay na ito sa Diyos!”, isa itong pangako, kaya hindi na kailangang ibigay ito sa mga magulang. Ang teknikal na salita rito ay ‘Corban,’ isang pag-aalay sa Diyos. Halimbawa, bibigyan o inaasahang bibigyan ninyo ang inyong mga magulang ng $100. Tapos, pinag-isipan ninyo ito, at napagpasyahang huwag ibigay ang $100 sa inyong mga magulang. Kung gayon, paano ninyo ito malulusutan? Napakasimple! May paraang ibinigay ang mga pantaong relihiyosong tradisyon. Idedeklara ninyo na ang $100 na ito ay ‘Corban’ o isang alay sa Diyos.

Ngayon, ibig bang sabihin nito na kailangan ninyong ibigay ito sa Diyos? Hmm, iyon ang nakapagtatakang bagay. Hindi ninyo ito kailangang ibigay sa Diyos! Hindi ninyo ito kailangang tunay na ialay! Pero dahil sinabi ninyo na ito ay ‘Corban’, ibig sabihin, hindi ninyo na ito kailangang ibigay sa inyong mga magulang. Ngayon, kailangan ninyong maging espeyalista sa pang-Judiong mga kautusan para maunawaan ang bagay na ito. Paano nangyari na masasabi ninyo na ito ay ‘Corban’ o alay, pero hindi ninyo naman ito kailangang ialay sa Diyos? Hindi ko maunawaan ito. Pero dahil idineklara ninyo na ito’y isang alay, hindi ninyo na kailangang ibigay ito sa inyong mga magulang. Ito mismo ang sinasabi ng Panginoong Jesus, “Ginagamit ninyo ang mga pantaong tradisyon para ipawalang-bisa ang salita ng Diyos.”

Kaya, dito, nagpatuloy ang Panginoong Jesus upang sabihin, sa bs. 6-9:

“Kaya, pinawalang-saysay ninyo ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon. Kayong mga mapagkunwari, tama ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa inyo nang sabihin niya, ‘Iginagalang ako ng bayang ito sa kanilang mga labi, ngunit ang kanilang puso ay malayo sa akin. At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, na itinuturo nila bilang mga aral ang mga alituntunin ng mga tao.’”

Pansinin ang mga salitang “itinuturo…bilang aralang mga alituntunin ng mga tao”. Aling alintuntunin ng tao? Gaya ng paghuhugas ng kamay, o gaano kalayo ang pwedeng lakarin sa araw ng ‘Sabbath’, atbp. Maaaring maglakad hanggang 1,200 ‘cubits’ o 1,750 talampakan, pero hindi maaaring lumampas doon. Ito’y mga pantaong regulasyon at doktrina na ipinasok, na nagpapawalang-bisa naman sa mga utos ng Diyos.

Paano nito napapawalang-bisa ang kautusan ng Diyos? Ipagpalagay na may taong may malaking pangangailangan at malaki ang pagkatuliro. Sasabihin ninyong, “Ngayon ay ‘Sabbath,’ kaya hindi kita maaaring puntahan, dahil ayon sa kautusan ukol sa ‘Sabbath,’ maaari lang akong maglakad hanggang sa 1,200 ‘cubits’ o 1,750 na talampakan. At kaya, hindi kita maaaring puntahan dahil lalampas ito sa limitasyong ipinahihintulot ng tradisyon.” Sa paraang ito, napapawalang-bisa nila ang mga utos ng Diyos.

Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano

Sa pagsasa-isip ng mga ito, pumunta na tayo sa talinghaga ng Panginoon sa Lucas 10:25-37. Ito ang kilalang-kilalang Talinghaga ng Mabuting Samaritano. Tanyag ito, pero nauunawaan ba ito nang mabuti? Iyon ang katanungan. Basahin natin ang Lucas 10:25 hanggang sa bs. 37.

At may isang dalubhasa sa kautusan ang tumindig upang si Jesus ay subukin na nagsasabi, “Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang-hanggan?” Sinabi niya (ni Jesus) sa kanya (sa eskriba), “Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ang nabasa mo?” At sumagot siya (ang eskriba), “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong lakas mo, at nang buong pag-iisip mo, at (ibigin mo) ang inyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” At sinabi niya (ni Jesus) sa kanya (sa eskriba), “Tumpak ang sagot mo, gawin mo ito at mabubuhay ka.” Subalit sa pagnanais niya (ng eskriba) na ipagmatuwid ang kanyang sarili ay sinabi kay Jesus, “At sino ang aking kapwa?”

Sumagot si Jesus, “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem patungo sa Jerico at siya’y nahulog sa kamay ng mga tulisan, hinubaran siya ng mga ito at binugbog. Pagkatapos ay umalis sila at iniwan siyang halos patay. At nagkataong bumababa sa daang iyon ang isang pari. Nang kanyang makita ito, siya ay dumaan sa kabilang panig. Gayundin ang isang Levita, nang dumating siya sa lugar na iyon at kanyang nakita ang taong iyon, siya ay dumaan sa kabilang panig. Subalit ang isang Samaritano, sa kanyang paglalakbay ay dumating sa kanyang kinaroroonan; at nang kanyang makita ang taong iyon, siya ay (pansinin ito) nahabag. Kanyang nilapitan siya at tinalian ang kanyang mga sugat pagkatapos buhusan ng langis at alak. Pagkatapos isakay sa kanyang sariling hayop, siya ay dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan. Nang sumunod na araw, dumukot siya ng dalawang denario, at ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi niya, “Alagaan mo siya, at sa anumang karagdagan mo pang gastusin ay babayaran kita sa aking pagbabalik.”

Ano sa palagay mo, alin sa tatlong ito, ang naging kapwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan?” At sinabi niya, “Ang nagpakita ng habag sa kanya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, at gayundin ang gawin mo.”

Siguro’y napakapamilyar sa inyo ng talinghaga ito, lalo na kung lumaki kayo sa Sunday school. Alam ng lahat ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano. Pero ilan kaya ang nakakaunawa nito? Ang malaman ay isang bagay; iba naman ang maunawaan ito.

Paano Natin Mamamana ang Buhay na Walang Hanggan?

Una sa lahat, nais kong pansinin ninyo na napakahalaga ng talinghagang ito dahil may kinalaman ito sa tanong na: “Paano mamamana ang buhay na walang-hanggan?” Tungkol ang tanong sa buhay na walang hanggan. Napakadalas na kapag itinuro ang talinghagang ito sa Sunday school, walang tinatalakay na kaugnayan sa pagitan ng kuwento tungkol sa Mabuting Samaritano at sa usapin tungkol sa buhay na walang hanggan. Nagiging parang halimbawa lang ito sa pagiging mabait sa kapwa tao, pero walang katanungang binabanggit sa kung ano’ng kaugnayan nito sa tanong ukol sa buhay na walang hanggan.

Ano’ng kaugnayan ng talinghaga sa buhay na walang hanggan? Ang talinghaga’y isang sagot sa tanong na iyon. Nakapagtataka kung gaano kadalas nating itinuturo ang isang sipi o isang talinghaga na wala sa ‘context’ o sa diwa ng kabuuang sipi nito? Walang nakapagsabi sa akin na may kinalaman ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano sa tanong tungkol sa buhay na walang hanggan. Akala ko’y isang turo lang ito kung paano maging mabait sa kapwa tao, kung paano dapat mag-asal ang mga Cristiano. Pero hindi ito ang punto sa sagot ng Panginoon. Ang sagot ng Panginoong Jesus ay ang kasagutan sa tanong na iyon.

Muling tingnan ang tanong. Napakalinaw ng pagkakasabi ng tanong. Itinanong ito ng isang eksperto sa Biblia, ng isang eskriba, na naglaan ng buong buhay niya sa pag-aaral ng Biblia at alam na alam niya kung paano ilagay sa mga salita ang tanong niya. Hindi mahahanapan ng mali ang tanong. Nailahad ito sa gawing pangteolohiya nang mahusay. Ang tanong ay hindi: “Paano mapagtatrabahuhan ang buhay na walang hanggan?” ni “Paano magiging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan?”. Hindi ito ang tanong ng Judio. Ang tanong niya ay, “Paano mamamana ang buhay na walang hanggan?” Para mamana ang buhay na walang hanggan – para mamana ang anuman – kailangan ninyong maging anak. Ang tanong kung gayon ay, “Paano ako magiging anak ng Diyos para mamana ko ang buhay na walang hanggan?” Napakalinaw ng pagkakalagay sa mga salita!

Walang sinumang dapat magsabi na ang pinag-uusapan ng mga Judio ay tungkol sa kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa o sa pagsunod sa kautusan lamang. Dahil, malibang kayo’y anak ng Diyos, hindi naman kayo nasa ilalim ng kautusan niya. At, kung gayon, ang pag-usapan ang tungkol sa pagsunod sa kautusan ay hindi ang punto. Kung ako’y hindi mamamayan ng Canada, ang tanong kung kailangan o di-kailangang sundin ang batas ng Canada ay walang saysay. Kung ako’y nakatira sa England, walang kaugnayan sa akin ang batas ng Canada. Namumuhay ako sa ilalim ng batas ng England, hindi ng Canada.

At kaya, ang tanunging, “Paano ko masusunod ang batas ng Canada?” ay hindi ang punto dahil kung ako’y nasa England, wala ako sa Canada. At kung sasabihin ko sa inyo rito sa Canada na, “Kailangan ninyong sundin ang batas ng England”, sasabihin ninyong, “Katawatawa! Hindi ako nakatira sa England; nakatira ako sa Canada. Balewala sa akin ang batas ng England.” Kaya, maliban na lang kung ako’y anak, malibang ako’y mamamayan, ang mga utos ng Diyos ay hindi maaaring mai-apply sa akin. (Pero, siyempre, sa isang banda, nag-a-apply sa atin ang mga ito dahil ang Diyos ay Diyos ng langit at lupa; Hari siya ng lahat.)

Pero ang itinanong ng eskriba ay mas malinaw at mas patagô kaysa rito. Sinasabi niyang, “Paano ko mamamana…? Ano’ng dapat kong gawin upang maging nasa posisyon ako na matatanggap ko mula sa Diyos ang buhay na walang hanggan? Ano’ng dapat kong gawin para maging karapat-dapat o mag-qualify na maging anak ng Diyos, para mabigyan ako ng Diyos ng buhay na walang hanggan?” Tunay na isa itong tanong na karapat-dapat sa isang eskriba!

Mamamana Ba Natin ang Eternal Life sa Paniniwala kay Jesus o sa Pagsunod sa Utos?

At kaya, sinagot siya ng Panginoong Jesus. Ano’ng kanyang sagot? Sinagot niya ito gamit ang isa pang tanong: “Yamang din lamang na isa kang mag-aaral sa Biblia, isang eksperto sa Biblia, ano’ng nakasulat sa Biblia? Ano’ng nakasulat sa kautusan? Ano’ng mababasa mo roon?” Sumagot ang eskriba – at ito ang nasa bs. 27 – na ang sinasabi ng Biblia ay:

Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong lakas mo, at nang buong pag-iisip mo, at ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

Oh, tunay siyang magaling na mag-aaral ng Biblia. Alam na alam niya ang kanyang pinag-aaralan. Sinagot niya ito nang tama hanggang sa huling letra, sa huling kudlit. Isa itong perpektong sagot, at sinabi ito mismo ng Panginoong Jesus sa bs. 28,

“Tumpak ang sagot mo, gawin mo ito at mabubuhay ka.

Ano’ng sagot ng Panginoong Jesus? Ano’ng sagot sa kanyang tanong? Kapwa tanong at sagot ay katulad na katulad sa itinanong ng mayamang kabataang pinuno [rich young ruler], na maaalala ninyo, na nasa Lucas 18:18. Itinanong din ng mayamang kabataang pinuno ito, “Ano ang dapat kong gawin upang mamana ang buhay na walang hanggan?” At binigyan siya ng Panginoong Jesus ng parehong sagot tulad dito. Ano kung gayon ang sagot? Ano ang sagot ng Panginoong Jesus sa mahalagang tanong na: Paano mamamana ang buhay na walang hanggan?

Maaaring inaasahan ninyo ang sagot na tulad nito: “Maniwala sa akin at mamamana ninyo ang buhay na walang hanggan.” Kataka-taka, pero hindi ito ang sagot dito. Sa dalawang okasyong ito, aasahan natin na ang agarang sagot (na siyang ibibigay ng mga Cristiano) ay, “Maniwala ka sa akin at mamamana mo ang buhay na walang hanggan.” Pero hindi ito ang sagot! “Humayo ka at gawin kung ano’ng pinapagawa ng Diyos sa iyo” ang sagot. “Humayo ka at gawin ito.” Kagulat-gulat ito sa atin.

Hindi ba kailanman sinabi ng Panginoong Jesus na kailangan nating maniwala sa kanya para sa buhay na walang hanggan? Oo, sinabi niya ito, mismo sa Juan 11 halimbawa, na: “ang… sumasampalataya sa akin… ay hindi mamamatay magpakailanman.” May buhay na walang hanggan siya! Siya’y “…mabubuhay”. [v25-26] Pero, kung ito nga ang kaso, may problema tayo sa ating mga kamay, isang suliraning ‘exegetical’ o pagpapaliwanag sa malalalim na turo sa Biblia. O baka naman hindi ito isang problema? Dahil, sa isang banda, kailangan nating sumampalataya sa kanya para sa buhay na walang hanggan; sa isa pang banda naman, kailangan nating gawin ang mga hinihingi ng mga utos ng Diyos.

Kaya, alin ang tama? Alin sa dalawang sagot ang tama? O, magkaiba ba ang dalawang sagot na ito? Kailangan ba nating maniwala sa Panginoong Jesus upang magkaroon ng buhay na walang hanggan, at sundin din ang kautusan para magkaroon ng buhay na walang hanggan? Paano ninyo pagsasamahin ang dalawang sagot na ito? Napakahalaga ng tanong na iyon! O nakasalalay ba sa atin kung anong sagot ang mas gusto natin?

Sa palagay ko, ito mismo ang ginawa ng napakaraming Cristiano. Napagpasyahan nating mas gusto natin ang sagot na: “Manalig kayo sa akin, at hindi kayo mamamatay kailanman; makakamit ninyo ang buhay na walang hanggan.” Mas gusto natin ang sagot na iyon. Pero ang sagot na, “Humayo ka’t gawin ito”, nais nating kalimutan na lang ito. Babalewalain na lang natin ang sagot na ito. Sasabihin na lang natin, “Walang kinalaman ito sa atin.” Kung gagawin natin iyon, kung gayon, namimili tayo mula sa Salita ng Diyos kung ano’ng gusto natin at pinapabayaan na lang natin ang hindi natin gusto. Napagpasyahan na natin kung ano ang magiging daan patungo sa buhay na walang hanggan.

Paano natin iintindihin ang mga salitang, “Sumampalataya sa akin”? Ang tanging paraan upang gawin ito nang tama ay ipagtabi ang dalawa at itanong, “Ano ang kaugnayan ng isa sa isa pa?” Paano umuugnay ang “Sumampalataya sa akin” sa “Mahalin mo ang Diyos ng iyong lahat”? Sinabi ni Panginoong Jesus, “Humayo’t gawin ito.” Kaya, paano natin pagsasamahin ang mga ito? “Mahalin ang Diyos nang buong puso ninyo – kapag ginawa ninyo iyon, makakamtan ninyo ang buhay na walang hanggan” at “Kung maniniwala kayo sa akin, makakamtan ninyo ang buhay na walang hanggan” – alin ang tamang sagot?

Maaari kayang may panloob na kaugnayan sa pagitan ng mga sagot na “Manalig ka sa akin” at “Ibigin ang Diyos nang buong puso mo”? Marahil nangangahulugan ang dalawang sagot na ito ng parehong bagay! Sa kasong iyon, ang napakahalagang talinghagang ito ay magbibigay sa atin ng isang pakahulugan o ‘definition’ sa ibig sabihin ng mga salitang, “Manalig sa akin.”

Kung tatanungin ko kayo, “Ano’ng ibig sabihin ng ‘manalig kay Jesus’?” Ano kaya ang isasagot ninyo? Mahalagang makuha ang tamang sagot dahil nakasalalay rito ang buhay na walang hanggan. Alam ninyo ba kung ano ang kahulugan ng pananalig kay Jesus? Alam ko ang parating sinasambit na mga sagot: “Naniniwala kami na namatay si Jesus para sa atin. Naniniwala kami na siya ay muling nabuhay.” Iyon daw ang ibig sabihin ng ‘pananalig kay Jesus’. Pero ang lahat ng sinasabi ninyo sa akin dito ay simpleng isang pang-utak na ehersisyo lamang, isang pang-isip na pagtanggap sa ilang ‘facts’ o mga katotohanan.

Iyan ba ang ibig sabihin ni Jesus? Kailangan nating hayaan siyang ipakahulugan kung ano’ng ibig niyang sabihin sa: “Sumampalataya sa akin.” Hindi nakasalalay sa inyo at sa akin kung ano’ng kahulugan ng “Sumampalataya sa akin” sa pagbibigay ng ating sariling kahulugan sa mga salitang iyon. Siya ang Panginoon; sa kanya nakasalalay ang buhay na walang hanggan natin. Samakatuwid, siya ang tanging dapat magpasya kung anong ibig sabihin ng “Sumampalataya sa akin.” At salamat sa Diyos dahil hindi niya tayo iniwan sa kadiliman!

Ang Ibigin ang Diyos at Ibigin ang Kapwa – Kaugnayang Di-Mapaghihiwalay

Tingnan natin muli ang talinghaga habang iniisip natin ang tanong na ito. Dito, nakikita natin sa talinghagang ito na sinasabi ng Panginoong Jesus, bilang sagot sa tanong na iyon, na: “Kailangan ninyong humayo at ibigin ang Diyos nang inyong buong puso, inyong pag-iisip, inyong kaluluwa at inyong lakas. Kung gagawin ninyo ito, mamamana ninyo ang buhay na walang hanggan – hindi ninyo ito mapapagtrabahuhan ni magagawan ng paraan para maging karapat-dapat kayo para rito, ngunit mamamana – dahil papatunayan ninyo ang inyong sarili bilang tunay na anak ng Diyos.” Oh! Pero kapag tiningnan natin ang sagot na ito, medyo natatakot tayo rito. Una sa lahat, nakikita nating kailangan ang buong pag-aalay ng sarili o ‘total commitment’. Apat na beses ginamit ang salitang ‘buô.’ Kailangan ninyong ibigin ang PANGINOONG Diyos nang lahat ng mayroon kayo – nang buô ninyong pagkatao! Wala nang hihigit pa sa kabuuang iyon!

Pangalawa, ibig sabihin nito na hindi lang ninyo iibigin ang Diyos; iibigin ninyo rin ang inyong kapwa kung tunay ninyong iniibig ang Diyos. Maaari ninyong sabihin, “Mas madaling ibigin ang Diyos kaysa ibigin ang kapwa dahil napakabuti ng Diyos sa atin. Mapagbigay siya sa atin. Pero ang ating kapwa – napakasamâ niya; kaya, hindi ko iibigin ang aking kapwa. Ang Diyos ang iibigin ko. Okey na iyon! Ibig kong sabihin, ibinigay niya sa atin si Jesus! Kung hindi ko siya maiibig, wala nang karapat-dapat na ibigin sa mundong ito. Pero ang kapwa ko? Huwag na lang! Kaya kong mabuhay nang wala ang kapwa ko. Hindi ko siya kailangan. Problema lang siya sa akin. Lagi na lang siyang gumagawa ng mga bagay na hindi tama. Nagpapa-party siya at nag-iingay, nagpapatugtog ng drums nila kaya hindi ako makatulog nang maayos sa gabi. Hindi kailanman ako ginagawan ng Diyos nang ganoong mga bagay.

Pero ang kapwa – imposible siyang pakisamahan! At alam ninyo ba, ang kapitbahay kong ito’y hinahayaan lang ang kanyang hardin na mapuno ng ‘dandelions’ kaya tumutubo kung saan-saan ang damong ito. Alam ninyo, tunay na nakakainis na damo itong ‘dandelion’. May mahahabang ugat ito. Sa tuwing iihip ang hangin, ililipad nito ang mga binhi ng mga ‘dandelion’ papunta sa aking hardin at pinupuno ito ng mga ‘dandelion!’ Sirang-sira na ang aking hardin dahil walang ginagawa ang kapitbahay kong ito para puksain ang mga ‘dandelion’ niya. Hindi pinapayagan ng Diyos na pumunta ang mga ‘dandelion’ sa aking hardin. Pero ang kapitbahay kong ito, hay! Napaka-walang isip!” Kaya, ang ibigin ang Diyos – okey, walang problema roon! Pero ang ibigin ang kapwa – hindi ito para sa akin.”

Pero, kung gayon, nakikita natin dito ang nakakatakot na bagay na ito: sa mga utos ng Diyos, iniuugnay niya ang pag-ibig sa kapwa sa pag-ibig sa Diyos! Bakit hindi natin pwedeng paghiwalayin ang mga na ito? Nais nating sabihin, “Panginoong Jesus, paghiwalayin natin ang mga ito, okey? Iniibig kita, okey lang iyon, pero huwag mong sabihing kelangan kong ibigin ang aking kapwa.” Ngayon, nakikita ninyo, na ang ikalawang bahaging ito mismo ang nagdudulot sa atin ng mga problema! Hindi ninyo ba ito nakikita? Iyon ang sinasabi ng eskriba. Hindi siya nagtatanong ng kahit na ano ni nagkakaproblema tungkol sa pag-ibig sa Diyos. Pero nababagabag siya sa puntong tungkol sa pag-ibig sa kapwa dahil, tulad sa karamihan sa atin, may nasa isip siyang nakakainis na kapitbahay.

Kaya, pinagpasyahan niyang magtanong muli, “Sino naman ang aking kapwa? Huwag mong sabihin sa akin na ang taong ito na may ‘dandelions’ ang kailangan kong tanggapin bilang kapwa ko! O, sa kabilang banda naman, ang taong maingay na nagpapatugtog ng drums ang kapwa ko! Nasa tapat ko ang bahay niya. Kaya hindi siya kasali sa ‘kapitbahay’ [‘neighbor’ ang salin sa Ingles], ha? Dapat ang kapitbahay ay yung nasa kabilang bakod ko lang.” Kaya, itinanong niya, “…sino ang aking kapwa?” [“Who is my neighbor?”]

Sinagot siya ni Jesus, “Hayaang kuwentuhan kita. May isang Samaritano.” Alam ninyo bang galit ang mga Judio sa mga Samaritano? Kinapopootan nila ang mga Samaritano dahil ang mga ito’y masasabing isang nahaluang lahi. Sila ang mga taong mababang uri. Gustong-gustong pag-usapan ng mga Judio ang kanilang pagiging lahing puro: “ang purong Judio”, kung ano man ang ibig sabihin nito. Sa katunayan, wala namang taong puro o walang-halong lahi. Pero ang mga Samaritano – sila’y isang may-halong lahi; nakipagkompromiso sila sa mundo. “Oh, kung kinailangan niyang magsasalita tungkol sa ‘kapwa’, sana pinili na lang niya ang isang mabuting Judio. Pero, sa lahat pang bagay, pinili niya pa ang isang Samaritano bilang halimbawa! Haay!”

Kaya, sa pagbanggit sa Samaritano, sinabi ni Jesus, “May isang tao na naglalakbay buhat sa Jerusalem pababa tungo sa Jerico.” Alam ng sinumang Judio ang daan mula sa Jerusalem patungong Jerico. Hindi kalayuan ang Jerico sa Jerusalem, pero ito’y maburol o bulubunduking daan, at isang lugar na may napakaraming nagtatagong magnanakaw. Isang magaling na lugar ito upang harangin at atakihin ang sinumang naglalakbay pababa ng daan at pagnakawan siya ng mga dala-dala niya.

 

At kaya, nang naglalakbay ang Judiong ito sa daang ito, inatake siya ng mga magnanakaw. Sino sa akala ninyo ang mga magnanakaw? Ang mga kapwa niya Judio, siyempre! Sino pa? Nasa loob ito ng Israel! At kaya, inatake siya ng kanyang mga kababayan, ninakawan at binugbog, at iniwang halos patay na. Nagkataong may Samaritanong naglalakbay sa daang ito at ano ang nakita niya? Natagpuan niya ang taong ito na bugbog-sarado at iniwang agaw-buhay na. Sa di-maisip-isip na bagay, nahabag siya sa taong ito. Naawa siya. Isang Samaritanong may awa sa isang Judio, na kaaway niya!

Pagmamahal sa Kapwa Laban sa Obligasyong Pangrelihiyon

“Pero alam ninyo,” ang sabi niya, “bago ito mangyari, may dalawang Judio na dumaan. Ang isa ay isang pari…”. O maaari ring masabing pastor. Hayaang matamaan din ang mga pastor ng patamang ginagamit nila sa mga tao oras-oras. Kaya, heto ang pari, o pastor, na parating. Habang naglalakad siya, ano’ng nakita niya? Nakita niya ang isang tao na nakahandusay sa gilid ng daan, na halos patay na. Sa katunayan, kapag ang isang tao ay halos patay na, hindi ninyo alam kung buháy pa siya o hindi. Walang siyang malay. Sugatan at duguan siya, at nakahandusay roon.

Napagpasyahan ng pastor na kailangang makaabot siya sa ‘worship service’; sa dami ng tao sa simbahan na naghihintay sa kanya, paano siya hindi makakasulpot doon? Kailangan ng lahat ng mga taong ito na marinig ang Salita ng Diyos. Hindi kayo titigil para tulungan ang taong ito sa tabi ng daan samantalang naghihintay sa simbahan ang lahat ng mga taong ito. Tiningnan niya ang oras, magsisimula ang service ng alas-dos, at kailangan niyang makarating sa simbahan agad. At kaya, sinabi niyang, “Sori na lang, kawawang tao!” Marahil ay patay na siya. Walang kuwentang magsayang ng oras sa kanya! At kaya, umalis na ang pastor. Ha!

Sa katunayan, iginuguhit ko ito sa makabagong larawan, pero ganito ang ideya. Ang pari – ano’ng kanyang ginagawa? Papunta siya sa templo para gawin ang mga tungkulin niya bilang pari. Pero may bagay na nakakaapekto sa pari na hindi nakakaapekto sa pastor. Ano iyon? Ang paring maglilingkod sa templo ay dapat manatiling pangseremonyang malinis. Kung hindi siya ‘ceremonially clean’, hindi siya maaaring maglingkod sa templo. Isang paraan na makakapagparumi sa kanya ay ang hawakan ang isang bangkay. Paano kung patay na ang taong ito? Paano niya malalaman kung hindi niya hahawakan ito? Ibig kong sabihin, kailangang pulsuhan ito para malaman kung buháy pa o patay na.

Kaya, kung ang taong ito’y patay na – ang pari – ay magiging pangseremonyang marumi at hindi makakapaglingkod bilang pari sa araw na iyon. Pinag-isipan niya ang kalagayang ito at napagpasyahang ayaw niyang makipagsapalaran; at kaya, iniwan niya ang taong ito sa gilid ng kalsada. Kailangang gawin ang kanyang tungkulin bilang pari. May mas mahahalaga pang dapat gawin para sa Diyos kaysa mag-alala tungkol sa taong nakahandusay sa gilid ng kalsada, na marahil ay patay na.

Ano sa palagay ninyo? Mahusay ang kaso niya, ‘di ba? May kaso siya roon. Isipin lang, kailangan niyang maglingkod sa Diyos sa araw na ito! Napakahalaga ng oras. Mahalagang maging maagap o ‘punctual.’ Dapat siyang makarating sa tamang oras para maglingkod sa Diyos at mawawalan siya ng oras kapag tumigil siya upang alagaan ang taong ito. Isa pa, may asawa’t mga anak siyang dapat isipin sa bahay. Kung hindi siya pangseremonyang malinis, hindi siya maaaring maglingkod bilang pari. Kung hindi niya gagampanan ang tungkulin niya bilang pari, hindi siya makakatanggap ng bahagi ng ikapu sa templo, na kanyang suweldo, at kaya, magugutom ang asawa’t mga anak niya.

Oh, napakaraming dapat isipin. Napakakumplikado ng buhay! Hindi pwedeng gawing napaka-simple ang buhay. Sobrang kumplikado nito. Sa pagbibigay ng panahon sa pag-iisip ng mga bagay na ito, napagpasyahan niyang, “Hmm, dapat unahin ang gawain sa Diyos.” Ano ang gawain sa Diyos? Ang gawain sa Diyos ay ang humayo at maglingkod sa templo. At kaya, dapat siyang manatiling malinis. At humayo na siya!

At dumaan ang isang Levita naman. Ang Levita ay hindi pari, pero pwedeng sabihing isa siyang ‘layman’, isang alalay ng pari. Naglilingkod din siya sa templo, pero hindi bilang pari. Para siyang isang taga-alaga sa simbahan. May iba’t ibang tungkulin ang mga Levita. Ang ilan ay mga musikero sa templo. Ang iba’y may tungkuling alagaan ang iba’t ibang departamento sa templo, halimbawa ang mga gusali. Ang iba nama’y pinamamahalaan ang mga detalye, gaya ng pagkuha ng kahoy para sa mga sakripisyo. Mga ‘officer’ sila sa templo. At kaya, dumaan ang Levita, pero dapat ding manatiling malinis siya. Dumaan siya roon at nakita ang taong nakahandusay. Inisip niya ang parehong mga bagay gaya ng naisip ng pari. Pagtapos isipin ang mga ito, humayo na rin siya.

Ngayon, nakikita ninyo na kung bakit binasa natin ang bahaging iyon sa Mateo 15 sa simula. Ano’ng mas mahalaga? Ano’ng inyong priyoridad? Ano ang mga kautusan ng Diyos? May mas mahalaga pa ba kaysa sa habag? Sa awa? Sa isip ng pari, mayroon. Inisip niya na may mga bagay na mas mahalaga kaysa sa taong nakahandusay sa daan. Inuna niya ang kanyang mga tradisyon. Napigilan siya ng kanyang mga tradisyon na tulungan ang taong iyon. Iyon ang punto ng mga salita ng Panginoon, “Pinawalang-saysay ninyo ang mga utos ng Diyos.

Ano ang utos ng Diyos? Ang utos ng Diyos ay ibigin ninyo ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili. Iibigin ninyo ang Diyos at iibigin ninyo rin ang inyong kapwa. Iyon ang mga utos ng Diyos. “Pero pinawalang-saysay ninyo ang mga utos ng Diyos dahil mas inalala ninyo ang tungkol sa pang-seremonyang kalinisan o karumihan. Mas inaalala ninyo ang tungkol sa ganoong uri ng bagay kaysa sa mga utos ng Diyos.” At kaya, iniwanan nila ang sugatan. Ikinaila nila ang mga utos ng Diyos nang dahil sa kanilang mga tradisyon.

Pag-ibig sa Kapwa – Nahihigitan ng Habag ang mga Balakid

Pero ngayon, bigyang pansin ang Samaritanong ito. Nagdaan siya roon at nakaramdam ng awa. Totoo ngang isang Judio ang taong ito at hindi niya gusto ang mga Judio. Pero nangibabaw ang awa niya. Pag-ibig! Ang awa ay pag-ibig. Kumikilos sa kanyang puso ang pag-ibig. Nais niyang magpatuloy sa paglalakbay. Sinabi niyang, “Isa itong Judio. Hindi kailanman naging mabait ang mga Judio sa amin. Mga arogante’t imposibleng mga tao. Ayaw naming makisalamuha sa mga Judio.” Nais niyang lampasan ito, pero nanaig ang pag-ibig sa kanyang puso, at sinabi niyang, “Hindi! Di ko kayang iwanan siya.” Kaya bumalik siya’t tiningnan ang nakahandusay roon. Nais niyang magpatuloy na maglakbay, pero hinila siya pabalik ng pag-ibig. May pakikipagtunggali ang pag-ibig sa kanyang puso.

Hayaang sabihin ko sa inyo ito. Ginawa ng Samaritano ito nang may malaking personal na pakikipagsapalaran para sarili. May tatlong bagay ang tungkol dito. Una, nalaman na natin na ang daan mula sa Jerusalem patungo sa Jerico ay puno ng mga magnanakaw. Mapanganib na lugar iyon para manatili nang may katagalan. Mas mabilis kayong lumisan doon, mas mabuti. At lalong hindi ninyo nanaising magpaabot ng dilim sa daang iyon; mas masahol pa iyon. Napakahalaga ng oras. Dapat nang magpatuloy. Peligrosong manatili pa rito nang matagal.

At isa pa, kung ang taong ito’y hindi pa patay at nagkamalay, maaari siyang maging saksi sa pagkilala kung sino ang umatake sa kanya. Kung gayon, ang sinumang magtangkang tumulong sa kanya ay maaaring nasa malaking personal na panganib. Alam ninyo, laging may takot ang mga butangero sa mga taong makakakilala sa kanila, na makakapagsabing, “Nakita kong ginawa mo ito, iyon at kung anu-ano pa.” O, “Ikaw ang taong umatake sa akin. Namumukhaan kita.”

At kaya, maaaring magkaproblema sila sa batas, sa pulis ng Israel. Ang sinumang tumulong sa sugatang taong ito upang mabuhay ay magiging kaaway ng mga butangerong iyon na nagnakaw sa kanya. Ipagpalagay natin na nagkamalay muli ang taong ito at tiyakang nakilala ang mga butangero. Nakikita ninyo ba, kahit na sa hinaharap, kung gaano kapanganib ang kalagayan ng Samaritano? Dahil ang Samaritano ang siyang tumulong sa taong sugatan upang makilala ang mga masasamang loob na iyon, maaari siyang paghigantihan ng mga butangero sa hinaharap. Napakaraming dapat isipin. Napaka-kumplikado ng buhay.

Ang pangalawang bagay tungkol dito ay hindi lamang ang panganib sa sarili niya, gaya nang nakita na natin, kundi may personal siyang di-pagkagusto sa isang Judio. Walang pasensya ang isang Samaritano para sa isang Judio. Naaalala ninyo bang sinabi ko na kinapopootan ng mga Judio ang mga Samaritano?

Pangatlo, naroon ang gastusin. Sa panahon ngayon, napakamahal magbayad sa mga ospital. Walang dahilan para isipin na mura ang bayad sa mga ospital sa panahong iyon. Maaaring magastusan siya nang napakalaki sa pagtulong niya sa taong ito, sa pagbabayad ng mga gastusin para sa kanya. Ibig kong sabihin, pwede na yung dalhin siya sa isang bahay-panuluyan at pagkatapos ay sabihin sa tagapamahala na, “Sige, bahala na kayo sa kanya!” Pero dinagdagan pa niya ang tulong sa pagsabing, “Babayaran ko ang mga gastusin para sa taong ito. Nakita ko ang kanyang kalagayan; wala siyang pera. Hindi ko siya iiwan dito.”

At isa pa, bilang Samaritano, wala siyang pag-asang makuha muli ang ginastos niya. Ibig sabihin, kung ang taong ito na inatake’t binugbog ay mayaman at kayang suklian ang Samaritano sa kabutihan niya, walang habol ang Samaritano sa ilalim ng batas na makuha muli ang pera niya, kahit na kayang-kaya ng taong tinulungan niya ang magbayad. Bakit? Dahil hindi kinikilala ang isang Samaritano sa mga korte ng mga Judio. Hindi siya maaaring bumalik sa Israel at dalhin ang Judiong ito sa hukuman at sabihing, “Binayaran ko ang pagpapa-ospital mo. Dapat lang na bayaran mo ang nagastos ko sa iyo. Hindi ako naghahabol ng interes. Hinihingi ko lang ang perang ibinayad ko para sa iyo.” Pero hindi niya magagawa ito. Sa madaling sabi, babayaran niya ang mga gastusin na di iniisip na maibabalik pa ang perang ito sa kanya. Walang pag-asang makuha muli ito.

Dapat maunawaan ang tatlong bagay na ito tungkol sa Samaritano. Napakaganda nito! Iyan ang pag-ibig – pag-ibig na nagbibigay, na isinasantabi ang panganib sa sarili, na isinasantabi ang personal na damdamin tungo sa ibang tao, at isinasantabi kung may kapalit man o wala para sa nagawa. Napakaganda niyon.

Kaya, pagkatapos maipaliwanag ito sa eskriba, sinabi ng Panginoong Jesus, “Humayo ka at gayon din ang gawin mo. Tinanong mo ba ako kung paano mamamana ang buhay na walang hanggan? Kasasabi ko lang sa iyo. Humayo ka at gawin ito.” Ay, naku! Mahirap gawin iyon. Ibig sabihin, hahayo kayo at hindi iisipin ang inyong pansariling kaligtasan. Hahayo kayo’t hindi iisipin kung taga-saang bansa o lahi o tribo siya nanggaling. Hindi ninyo tatanungin kung Canadian o Judio o Ingles o Pranses o Africano o anumang lahi ang taong iyon. Maaaring hindi ninyo gusto ang ganoong uri ng tao, pero hindi ninyo iibigin ang taong iyon dahil gusto ninyo siya. Walang kinalaman ang ‘pag-ibig’ at ‘pagkagusto’ sa isa’t isa sa Biblia.

At sa huli, tutulungan ninyo ang taong iyon na hindi iniisip ang anumang kapalit na makukuha ninyo. Sinasabi ng Panginoon, “Nauunawaan ninyo na ba kung ano ang pag-ibig? Humayo kayo at gawin ito. Gawin ninyo ito at mamamana ninyo ang buhay na walang hanggan.”

Ang Mahalin ang Kapwa – Ang Pagsasagawa ng Utos

Kung gayon, ano’ng ibig sabihin ng Panginoong Jesus dito? Ibig ba niyang sabihin na maliligtas tayo sa pamamagitan ng kautusan? Sa pagtupad ng kautusan? Para bang ang sagot ay ‘oo’, ‘di ba? May iba pa ba kayong sagot na maiisip? Kung sasabihin ninyong, “Hindi nagturo si Pablo ng gayong bagay! Hindi, hindi! Tayo’y inaaring-ganap o ‘justified’ hindi sa pamamagitan ng mga gawa ayon sa Kautusan, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.” Sa palagay ninyo ba’y iyon ang itinuro ni Pablo? Hayaang sorpresahin ko kayo nang konti. Hayang basahin ko sa inyo ang mismong mga salita ni Pablo sa Roma 2:13:

Sapagkat hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang ganap sa harap ng Diyos, kundi ang tumutupad sa kautusan ay aariing ganap.

Alam ninyo bang isinulat ni Pablo ang mga salitang iyon? Ang “…tumutupad sa kautusan ay aariing ganap.” Wow! Isa itong sorpresa! Si Pablo ang nagsulat nito, at sa lahat pang lugar, sa Roma pa, ang dakilang sulat ukol sa kaligtasan. Muli ninyong tingnan nang mabuti ang mga salitang iyon. Walang komentaryo o paliwanag ang kailangan dito. Napakasimple ng mga salita. Napakalinaw! “…ang tumutupad sa kautusan ay aariing ganap.”

Pero maitatanong ninyo rin, “Ano ba ang kautusan upang magawa ito para ariing ganap o ma-‘justify’?” Ano ang kautusan? Ibigay natin muli ang sagot mula sa mismong sinulat ni Pablo sa Roma 13:8. Ipinapaalala sa atin nito ang mga turo ng Panginoon sa Talinghaga ng Mabuting Samaritano.

Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, kundi mag-ibigan sa isa’t isa, sapagkat ang umiibig sa kanyang kapwa’y nakatupad na ng kautusan.

“Ang siyang umiibig sa kapwa ay nakatupad na ng kautusan.” Sasabihin ninyong, “Pero, Pablo, hindi tayo naliligtas sa pamamagitan ng kautusan! Bakit namin kailangang alalahanin kung nasusunod ba ang kautusan o hindi?

Pero inaalala ni Pablo kung sinusunod ninyo ang kautusan o hindi. Kagulat-gulat! Pansinin na binabasa natin ito sa Roma, sa pangunahing eksposisyon ni Pablo ukol sa kaligtasan! Sinasabi niya, “Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, kundi mag-ibigan sa isa’t isa” – tulad mismo ng sinabi ni Jesus – “sapagkat ang umiibig sa kanyang kapwa’y” – ito mismo ang isinasaad ng Talinghaga ng Mabuting Samaritano – “nakatupad na ng kautusan.”

At nagpatuloy si Pablo sa bs. 9-10:

Ang mga utos na, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang mag-iimbot;” at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa; ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.

Ginawa niyang napakalinaw ang ibig sabihin niya at dito’y nangungusap siya sa mga Cristiano. Sinasabi niyang ang pag-ibig ay ang pagsasakatuparan ng kautusan. Sinabi niya sa Roma 2:13, gaya ng ating nakita, na ang siyang tumutupad sa kautusan – hindi lamang ang nakikinig sa kautusan – ang siyang aariing ganap. Ang pag-aaring ganap o ‘justification’ ay sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan, sa sinulat ni Pablo! Kagulat-gulat! At paano ninyo susundin ang kautusan? Sa pamamagitan ng pag-ibig! Sasabihin ninyong, “Ito’y totoong kagulat-gulat! Tunay na kahanga-hanga!”

Ang Kautusan ay Banál, Matuwid at Mabuti – Ito’y Di-Pwedeng Mapawi!

Sa mga araw na ito, may baluktot na katuruang lumalaganap, na nagmumungkahi na pawang masama ang gumawa ng mabubuting gawa. “Masama ang gumawa ng mabubuting gawa!” Hindi ko alam kung paano narating ang ganoong konklusyon. “Masama ang isakatuparan ang kautusan para magnais ng buhay na walang hanggan. Masamang sundin ang kautusan. Hindi! Hinding-hindi natin dapat gawin ito.” Katakataka!

Hindi ba natin naunawaan si Pablo sa mga siping binasa natin? Bakit inaalala ni Pablo na sumunod tayo sa kautusan sa pamamagitan ng pag-ibig? Ngayon, kung iniisip ninyo na itinuturing ni Pablo na masama ang kautusan, at samakatuwid, hindi natin dapat sundin ito, hindi ninyo man lang naunawaan si Pablo. Hayaang si Pablo ang mangusap sa inyo mismo. Babasahin ko sa inyo ang Roma 7 at sasabihin ko sa inyo kung ano ang konsepto niya sa kautusan.

Basahin natin ang Roma 7:12:

Kaya’t ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.

Itinuturing ba ni Pablo na masama ang kautusan? Hinding-hindi! Itinuturing niya na banal, matuwid at mabuti ang batas. At sa bs. 14:

Sapagkat nalalaman natin na ang kautusan ay espirituwal, ngunit ako’y makalaman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.

Ano ang kautusan? Ang kautusan ay espiritwal. Kaya apat na bagay ang nasabi ni Pablo tungkol sa kautusan sa siping ito: Ang kautusan ay banal; ito’y matuwid; ito’y mabuti; ito’y espirituwal. Kaya, ano kaya ang masama sa pagnanais na sumunod sa kautusan kapag ito’y ang lahat ng mga bagay na ito? Nagtataka ako kung malinaw ninyong nakikita ang usaping ito at malalim na nauunawaan ito.

Sinasabi ng Panginoong Jesus ang mismong parehong bagay. Ginagawa niya itong malinaw para sa atin sa Mateo 5:19, na kung may sinumang magturo na pagaanin ang kautusan – hindi pagpapawi o pagpapawalang-bisa ni pagkakansela ng kautusan, kundi ang pagpapagaan o pagre-relax sa isa man sa pinakamaliit na mga utos – ibibilang ang taong iyon sa pinakamabababâ sa kaharian ng langit. Pansinin na hindi niya sinabi na ‘hindi sundin’ ang kautusan. Sinabi niyang, “…ginawang magaan o ini-relax ito nang kaunti.” At hindi lang ini-relax ang isang mahalagang kautusan, pero ang isa sa kaliit-liitang utos! Isa sa pinakamaliit sa mga utos! Siya ang taong magiging pinakamababâ sa kaharian ng langit. Iyon ang sinasabi ng Panginoong Jesus sa Mateo 5:19.

Ano, kung gayon, ang ibig sabihin ng lahat ng ito? Ibig bang sabihin nito na pwede nating iligtas ang ating sarili sa pagtupad ng kautusan? Iyon ba ang kalagayan, na kahit papaano, maliligtas natin ang ating sarili sa pagtupad ng mga hinihingi ng kautusan? Ang sagot doon ay, “Hindi.” Sasabihin ninyong, “Nakakatawa! Akala ko ba’y kasasabi mo lang na ang kautusan ay mabuti!” Tama! Ang kautusan ay mabuti. Pero hindi ninyo ba nabasa ang huling bersikulo sa Roma 7:14? Ang kautusan ay mabuti; ang problema’y nasa ‘akin,’ hindi sa kautusan. Ako’y masama! At dahil masama ako, hindi ko matupad ang kautusan. Ito ang buong problema. Napakabuti ng kautusan. May masama ba sa hangaring matupad ang kautusan? Walang-wala! Dapat nating naising sundin ang kautusan ng Diyos, na ibigin siya nang buô nating pagkatao, at ibigin ang kapwa natin gaya ng ating sarili. Ang problema ay: hindi ko kayang gawin ito! Hindi ko ito magawa-gawa!

Pero una, maging malinaw tayo tungkol sa bagay na ito. Sa kabuuan ng Kasulatan, maging sa Lumang Tipan o sa Bagong Tipan, ang kautusan ng Diyos ay napakabuti, at mapalad ang taong nagnanais na tuparin ito. Ito ang buong nilálaman ng Lumang Tipan, ang buong nilálaman ng Mga Awit. Hindi ba ninyo binabasa ang Mga Awit? Parating nagpapatotoo ang Mga Awit na ninanais ng tao ng Diyos nang buong puso niya ang kautusan ng Diyos at ang isakatuparan ito.

Pagdating naman natin sa Bagong Tipan, may ilang taong nag-iisip na napawalang-bisa na ang kautusan! Napawalang-bisa na ang kautusan? Hindi ang moral na kautusan! Hindi saanman napawalang-bisa ang moral na kautusan. Nabasa ninyo na ba kahit saan na ipinawalang-bisa ang Sampung Utos? Hindi ninyo makikita iyon saanman sa Kasulatan. Pero may ilang taong nag-iisip na ito ang nangyari. Wala kahit saanman sa Kasulatan na pinawalang-bisa ang kautusan. Sa kabaliktaran, matibay na itinatatag ang kautusan.

Nananatili ang Kautusan ng Diyos – Dapat Itong Isagawa

Ilagay natin ang kalagayan nang ganito. Kung pwedeng ipawalang-bisa ng Diyos ang kautusan, kung maaari man itong maging posibilidad (na siyempre’y hindi pwede), kailan kaya ang tamang panahon na ipawalang-bisa ito? Mas mabuting hindi na lang itinatag ito sa una pa lang, para wala na lang kaguluhan sa pagtatatag ng kautusan at pagkatapos sa pagwawalang-bisa nito. Pero, kung gayon, kung ipapawalang-bisa ninyo ito, kailan kaya ang pinakatamang panahon na ipawalang-bisa ito? Kailan kaya, sa palagay ninyo? Sigurado, bago pa humayo’t namatay ang Panginoong Jesus!

Ilagay natin nang ganito. Ipagpalagay natin na ako’y isang hukom o mambabatas sa lupang ito at ang aking anak na lalaki ay hinatulan ng kamatayan. Naghihintay siya ng kamatayan dahil sa paglabag sa kautusan. Kailan kaya ang tamang oras para ipawalang-bisa ang ‘capital punishment’ o hatol na kamatayan? Ang pinakatamang sandali upang ipawalang-bisa ito ay bago pa mahatulan ang aking anak. Sa sandaling namatay na ang aking anak at tsaka lang napawalang-bisa ko ang kautusan, huli na ang lahat. Patay na siya! Kung nais ng Diyos na ipawalang-bisa ang kautusan, ang pinakatamang sandali upang ipawalang-bisa ito ay bago ipinako si Jesus sa krus. Kung gayon, hindi na niya kailangan pang mamatay. Napakadaling maunawaan niyon.

Pero ang ipawalang-bisa ang kautusan pagkatapos mamatay ni Jesus? Ano ang punto? Patay na siya! Ano pa ang punto ng pagwawalang-bisa ng kautusan? Ang buong punto ay ito: sa sandaling namatay na siya, hindi lamang niya di-pinapawalang-bisa ang kautusan, pero pinapatunayan pa niyang di-mababago ang kautusan. Hindi ito maiaalis. Hindi mapapawalang-bisa ang kautusan. Mananatili ang moral na kautusan ng Diyos!

Maaaring lumipas ang mga pangseremonyang mga kautusan. Hindi masyadong mahahalaga ang mga iyon. Ibig kong sabihin, kung pwedeng i-park ang mga sasakyan sa kalsadang ito o hindi ay isang maliit na bagay. Kung maaaring baguhin ang mga pangunahing moral na batas sa isang bansa ay ibang tanong na. Isang araw, matatagpuan ninyo ang mga ‘parking meter’ sa gawing ito ng kalye, at kung magpa-park kayo sa kabila, ito’y isang paglabag. Pero balang araw, magbabago ang batas, at maaari kayong mag-park doon. Maliliit na bagay ang mga ito, na maihahambing sa pangseremonyang kautusan, hindi mahalaga kung ano’ng gagawin ninyo rito dahil walang moral na isyu ang nadaramay.

Ngunit ang mga morál na isyu ay ang uri kung saan ang isang bansa’y makakapayag sa mga krimen, mula ngayon, na maging legal. Magiging pangunahing morál na isyu iyon. Kung pwedeng maging legal ang krimen, kung pwedeng maging mabuti ang masama, kung gayon, ang paraan para baguhin ang kautusan ay ang baguhin ito bago pa mapatay ang inyong anak dahil sa paggawa ng masama o mamatay para sa kapakanan ng iba. Anuman ang mangyari, pareho pa rin ang resulta – mamamatay siya! Inuulit ko ito muli sa inyo, wala saanman sa Biblia na napawalang-bisa ang morál na kautusan ng Diyos.

Sa katunayan, sa pagbabasa natin ng Roma 2, nauunawaan natin na isasakatuparan ang paghahatol ayon sa morál na kautusan ng Diyos sa Araw ng Paghuhukom. Kung ito’y napawalang-bisa, sa anong batayan kayo hahatulan ng Diyos? Paano hahatulan ang inyong mga gawa? Hindi! Hindi! Wala saanman makikita sa Biblia ang pagpapawalang-bisa sa kautusan. Nananatili ang kautusan ng Diyos. Kaya sinasabi ng Panginoong Jesus na, “Kailangang maisakatuparan ang kautusan. Kahit isang kudlit o isang tuldok ng kautusan ay hindi lilipas.” [Mateo 5:18] Lahat ay maisasakatuparan. Lahat ay dapat na matupad.

Binibigyang-Lakas Tayo ng Diyos na Maisakatuparan ang Utos – Paano?

Kung gayon, saan na tayo nito dinadala? Dinadala nito tayo rito: Maliligtas pa rin ba tayo sa pagtupad sa kautusan? Hindi! Bakit? Dahil hindi natin ito kayang matupad. Iyon ang dahilan bakit. At kaya, dumating na tayo sa napakahalagang bagay na mapupuna sa turo ayon sa Kasulatan at ito iyon. Ano ang turo ng Panginoon? Ano ang turo ni Pablo? Hayaang dumayo tayo mula sa turo ni Pablo pabalik tungo sa turo ng Panginoon. Malalaman ninyo na ang turo ni Pablo ay tunay na sumasang-ayon sa turo ng Panginoon sa bawat detalye. Hindi siya nag-iiba sa turo ng Panginoon kahit na isang kuwit, kung mailalagay ko ito nang ganito, sa isang ‘hyperbolic’ o paglalarawan sa isang labis-labis na paraan.

Nakita natin na sinabi ni Pablo sa Roma 2:13 na sa pamamagitan lamang ng pagtupad o paggawa sa kautusan aariing-ganap ang isang tao. Sinabi rin niya sa Roma 13:8 na sa pamamagitan ng pag-ibig matutupad ang kautusan. At kaya, napakasimple ng pangangatwiran o ‘logic’ dito. Ang tanging paraan upang ariing ganap (o ‘justified’) ay ang tuparin ang kautusan, at ang tanging paraan upang tuparin ang kautusan ay sa pamamagitan ng pag-ibig. Pero hindi natin kayang umibig dahil, sa likas nating pagkatao, tayo ay makasarili. Kaya, saan tayo iniiwan nito? Ang sagot, kung gayon, ay ito: ang kaligtasan ay magmumula lamang sa Diyos, na siyang kayang magpaibig sa atin, na siyang kayang magbuhos ng pag-ibig niya sa ating puso.

Ngayon, ito mismo ang sinasabi ni Pablo sa Roma 5:5, na masaganang ibinuhos ng Diyos ang pag-ibig niya. Hindi lang mumunting patak, kundi isang pagbubuhos sa ating puso upang maaari nating isakatuparan ang kautusan. Hindi ba ito kahanga-hanga? Paano niya ito ginagawa? Sa pamamagitan ng Espiritu Santo! Ang pag-ibig ay bunga ng Espiritu!

Pansinin ngayon: hindi sinasabi ng tanong ng eskriba, ng mag-aaral sa Biblia, ni ng sagot ng Panginoong Jesus, na maaari nating mapagtatrabahuhan o gawing karapat-dapat ang sarili natin para sa buhay na walang hanggan. Gaya ng nakita natin mula pa sa umpisa, sinabi ko na napakagaling na sinanay ang eskriba sa Biblia kaya hindi niya magagawa ang pagkakamaling iyon. Alam na alam niya na hindi natin kayang gawing karapat-dapat ang ating sarili, ni kayang pagtatrabahuhan ito. Talagang napakataas ng pamantayan o ‘standard’ ng Diyos. Nabasa na ng eskriba sa Isaias na, “Mas mataas ang kanyang mga paraan kaysa sa ating mga paraan. Ang kanyang pag-iisip ay di-tulad ng sa atin; mas matataas ang mga ito kaysa sa ating pag-iisip!” [Isaias 55:8-9] Hindi ko maaabot ang mga bagay na ito. Napaka-kahanga-hanga ng mga ito para sa akin. Paano ko mapapanatili ang kanyang mga pamantayan? Napakatataas ng mga ito para sa akin!

Ang tanong ko, at ng eskriba, ay ito: “Paano ko mamamana?” hindi “Paano ko mapagtatrabahuhan?” Hindi pinag-uusapan ang paggawa ng mga bagay upang makuha ang kaligtasan! Walang kinalaman ang sagot ng Panginoon ni ang tanong ng eskriba sa pagtatrabaho para makamit ang kaligtasan. Wala itong kinalaman sa mga ‘gawa’ upang maligtas. Kung gayon, ang tanong ay may kinalaman sa ano? May kinalaman ang tanong sa bagong uri ng buhay, ang buhay ng Diyos sa inyo! Iyon ang kung ano ang kaligtasan!

Kaya, sinasabi rin ni Pablo ang mismong parehong bagay: Paano ako magiging inaring-ganap o ‘justified’? Tanging sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan lang ba ako magiging inaring-ganap, pero ano ang pagsunod sa kautusan? Ang pagsunod sa kautusan ay ang umibig. Pero hindi ko kayang umibig, kaya ano’ng gagawin ko? Salamat sa Diyos! Ang sagot ay nakay Cristo. Ibinigay niya sa akin ang Espiritu Santo, na sa pamamagitan nito, nakakayanan kong umibig. Ibinubuhos ng Diyos ang pag-ibig niya sa aking puso sa pagbibigay niya sa akin ng Espiritu Santo. Kaya, nakikita natin ang sagot, ang kahanga-hangang sagot ng Diyos.

Paano tayo maliligtas? Sinasabi ito ni Pablo sa sa Galacia 5:6,

Sapagkat kay Cristo Jesus, ang pagtutuli o di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.

Ano’ng gumagana para sa kaligtasan? Ang pananampalataya lang ba? Hindi! Ngunit ang pananampalataya na kumikilos sa pamamagitan ng pag-ibig! Ito ay totoong kahanga-hanga! Isipin ito. Hindi “…ang pagtutuli” – ang pagtutuli ay ang pagtupad sa kautusan. Ang matuli ay ang ipatupad ang utos. “…o di-pagtutuli” – ibig sabihin, ang pagtitiwala lamang kay Cristo nang walang pagtutuli. Pansinin na ang buong pinag-uusapan sa kabuuang nilalaman nito sa Galacia 5:6 ay “kay Cristo”. Iyon ay, “kay Cristo, ang pagtutuli o di-pagtutuli ay walang kabuluhan.” Kung kayo ay nakay Cristo, ang pagtutuli ay hindi ang punto; hindi rin ang di-pagtutuli. Hindi ang pananampalataya ni ang mga gawa! Oh, kahanga-hanga iyon! Ano’ng may kabuluhan, kung gayon? Ang pananampalataya at gawa – sa pamamagitan ng pag-ibig! Ang pananalig na kumikilos sa pamamagitan ng pag-ibig! Ano ang kahulugan niyon?

Muli, hindi tayo iniiwan ni Pablo nang di pa natin naiintindihan. Ipinapaliwanag ni Pablo ang sarili niya nang mas buô sa Galacia 6:15, na ginagamit ang parehong mga salita, para pwede natin silang ilagay nang magkatabi at tingnan kung ano’ng kahulugan nito. Sa Galacia 6:15, sinasabi ni Pablo ang katulad na bagay na nasa Galacia 5:6, pero may isang mahalagang pagkakaiba. Sa Galacia 6:15, sinasabi niya,

Sapagkat (kay Cristo Jesus²) ang pagtutuli o ang di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang bagong nilalang.

Ibig sabihin, walang kabuluhan ang pananalig, walang kabuluhan ang gawa, kundi ang pagiging bagong nilalang!

Pananalig na Gumagana sa Pamamagitan ng Pag-ibig

Ngayon, bakit niya sinabi ito? Dahil ang pag-ibig ay ang susi sa buong pinag-uusapan tungkol sa kaligtasan, sa turo ng Panginoon at ni Pablo. Bakit? Ipinaliwanag din ni Pablo ito nang napakaganda. Sasabihin ninyong, “Hindi ba kasasabi mo ngayon lang na walang kabuluhan ang pananampalataya ni ang mga gawa? Sinabi ko nga iyon. Sasabihin ninyong, “Paano mo nasabi iyon?” Sinasabi ko ito sa awtoridad ni Pablo. Alam ninyo ang 1 Corinto 13. Binabasa ng lahat ang 1 Corinto 13 sa kasalan. Nauunawaan ninyo ba ang binabasa ninyo? Basahin natin ito at hayaang si Pablo mismo ang magpaliwanag nito sa inyo. Madaling maging pamilyar sa atin ang mga salita kahit na hindi natin nauunawaan ang mga ito.

Sa bs. 1, mababasa na:

Kung ako’y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, subalit wala akong pag-ibig, ako’y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw.

Tandaang pag-ibig ang siyang nilalaman ng Talinghaga ng Mabuting Samaritano. Marahil alam ninyo kung ano ang mga batingaw at mga pompiyang. Kaming mga Intsik ang nag-imbento ng batingaw. Kahit na sa Ingles nitong salita na ‘gong’, may mala-Intsik na tunog. Hinahampas ninyo ang gong at ito’y naglilikha ng napakalakas na tunog, gaya ng alam ninyo. Isa lamang itong manipis na bakal pero nakakalikha ito ng napakalakas na tunog.

Nagpapatuloy ang bs. 2 sa,

At kung mayroon akong kaloob ng propesiya, at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at kung mayroon akong buong pananampalataya, upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan.

Pansinin ang salitang panananampalataya rito – di lang maliit na pananampalataya kundi buong pananampalataya. Sinabi ni Pablo mismo na kahit na buô ang inyong pananampalataya, hindi kayo maliligtas ng pananalig na iyon, maliban na lang kung kumikilos ito sa pag-ibig. Hindi kayo maililigtas ng pananalig na iyon. Hindi sapat ang pananalig lang. Ito ay turo ayon sa Kasulatan. Hindi tinukoy ni Pablo ang pananalig lang; sinabi niyang, “…ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.” Iyon ang mahalaga kay Cristo. Pero kahit may pananalig kayo at wala kayong pag-ibig, wala kayong kabuluhan sa mata ng Diyos. Walang-wala!

At ano naman tungkol sa mga gawa? Pareho rin ang problema sa mga gawa, na nasa bs. 3:

At kung ipamigay ko ang lahat ng aking ari-arian, at kung ibibigay ko ang aking katawan upang sunugin,

Ano pa ba ang mahihingi ninyo sa isang tao kundi ang ibigay ang lahat ng nasa kanya, kahit na ang kanyang sariling katawan?

subalit walang pag-ibig, wala akong mapapakinabang.

Walang-wala!

Kaya, ang gawa ay walang bisà at ang pananampalataya ay walang bisà, kung kaligtasan ang pinag-uusapan. At ano naman kung pagsamahin ang pananampalataya at mga gawa? Wala pa ring bisâ. “Ha?! Sigurado ka ba? May bisà naman siguro ito? Kung pagsasamahin ninyo ang ‘zero’ at ‘zero’, ang makukuha ninyo ay ‘zero’ pa rin. 0 + 0 = 0. Wala kayong makukuha alinman sa dalawa. Ano kung gayon ang may bisà? Masdan, ang turo ayon sa Kasulatan ay mas malalim pa kaysa sa lahat ng ito. Mas malalim pa! Ang may bisà ay ang pagiging isang bagong nilalang!

Pag-isipan natin ito sandali. Maibibigay natin ang ating katawan para sunugin dahil sa iba’t ibang dahilan. Maaaring lumaban tayo para sa isang ‘cause’ o dahil sa ating pinaninindigan. Tumira ako sa China. Namuhay ako sa ilalim ng ‘Jie Fang Jun’ [iyon ay, ang People’s Liberation Army], sa ilalim ng mga Comunista at alam ko kung ano ito. Handang ibigay ng mga tao ang lahat, kahit na sunugin sila, sunugin nang buháy kung kinakailangan, upang ipaglaban ang isang ‘cause.’ Pag-ibig ba ang nag-uudyok sa mga taong ito? Maaaring hindi! Napakaluwalhati nito. Napakabayani. Napakaganda. Hinahangaan ko parati ang ganitong uri ng pagpapakabayani. Pero hindi basta masasabing nagagawa ito dahil sa pag-uudyok ng pag-ibig. Sa katunayan, maaaring ito’y sa pag-uudyok ng galit – pagkagalit sa kaaway.

Tapos, maaaring marami kayong pang-propetang kapangyarihan, pero hayaang sabihin ko sa inyo, ginagawang napakasimple Kasulatan ito para sa atin. Maaari kayong magkaroon ng pananalig nang walang pag-ibig, tulad ng sinasabi rito ni Pablo, pero hindi kayo maaaring magkaroon ng pag-ibig nang walang pananalig. Ito ang dahilan kung bakit mas malalim ang pag-ibig. Uulitin ko ito. Maaari kayong magkaroon ng pananalig nang walang pag-ibig, tulad ng sinasabi rito ni Pablo, pero hindi kayo maaaring magkaroon ng pag-ibig nang walang pananalig. Di pwedeng magkaroon kayo ng pag-ibig kung walang pananalig. Kung saan may pag-ibig, siguradong may pananalig din.

Kung nauunawaan ninyo ito, mauunawaan ninyo kung bakit iyon ang dahilan na siguradong may pananalig kung saan may pag-ibig. Ito’y dahil hindi kayo maaaring umibig nang walang pananalig, kung wala ang Diyos na nagbibigay ng paraan upang kayo’y umibig. Hindi ninyo kayang gawin ito.

Tanging Kapag Kayo’y ‘Muling Ipinanganak’ Lang Maaaring Umibig

Hindi likas sa puso ng tao ang pag-ibig. Hindi ito tumutubo sa puso ng tao. Nanggagaling ito sa Diyos, na ibinubuhos sa ating puso sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Ang kahulugan nito, kung gayon, ay ito: Kung umiibig kayo, ibig sabihin, naging isang bagong nilalang na kayo. Kung hindi, hindi ninyo kayang umibig.

Iyon, sa katunayan, ang buong kahulugan ng unang sulat ni Juan. Basahin ninyo lang ang unang liham ni Juan. Tungkol ang buong unang liham ni Juan sa puntong ito: na sinumang ipinanganak mula sa Diyos ay umiibig. Pero kung hindi kayo ipinanganak ng Diyos, hindi kayo maaaring umibig. Pero kung ipinanganak kayo ng Diyos, ipinanganak mula sa itaas, muling ipinanganak, mula sa panahong iyon lang kayo maaaring umibig. Pag-ibig – dahil ito’y galing sa Diyos! Sinasabi ni Juan, “ang pag-ibig ay sa Diyos”. [1Juan 4:7] hindi ito sa tao, ito’y galing sa Diyos. Kaya nga sinasabi ni Pablo na: “ang pagtutuli …ay walang kabuluhan” – ito ay mga gawa – “o di-pagtutuli” – ito ang pananalig, “kundi ang bagong nilalang”, o sa ibang salita, “kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.” Samakatuwid, balewala ang pananalig at ang gawa, maliban na lang kung kumikilos ito sa pamamagitan ng pag-ibig, dahil ang ibig sabihin ng pag-ibig ay ang Diyos ang siyang gumagawa ng kanyang gawain sa atin. Kaya ninyo bang maunawaan ito?

Kaya, ang katuruang ayon sa Kasulatan tungkol sa kaligtasan ay hindi lamang kung ano’ng pinaniniwalaan ninyo. Kailangan ninyong maniwala – mahalaga iyon. Tulad nang sinabi natin, ipinapahiwatig ng pag-ibig na may pananalig, pero hindi basta’t may pananalig ay may pag-ibig na. At kaya, kailangan ninyong may pananalig. Pero, ang pananalig lang ay walang bisà. Kaya sasabihin ninyong, “Okey, ang pananalig at mga gawa, kung gayon.” Pero wala ring bisa ang pananalig at mga gawa. Sasabihin ninyong, “Nagulat ako!” Nagulat kayo? “Oo!”

Ito’y dahil, maliban na lang kung nariyan ang Diyos, maliban na lang kung nariyan ang Espiritu Santo niya, maaari kayong gumawa hanggang gusto ninyo, maaari kayong maniwala hanggang gusto ninyo, pero hindi kayo madadala pareho ng gawa at paniniwala saanman. Hindi ito tungkol sa kung ano’ng ginagawa ninyo o kung ano’ng pinaniniwalaan ninyo. Sa madaling salita, ang turo ng Biblia ay: kung ano kayo – iyon ang importante. Ang mahalaga ay ang maging bagong nilalang, ang maging tulad ni Cristo dahil ginawa kayong bagong nilalang ni Diyos, at ang bagong nilalang na iyon, gaya nang sinasabi ni Apostol Pablo, ay ginawa sa anyo ng anak niya.

Kaya Lamang Nating Umibig kapag Naging Bagong Nilalang Tayo

Kaya, dito tayo magtatapos. Nakikita natin ang sagot, ang maganda, malalim, at makapangyarihang sagot na ibinibigay ng Panginoong Jesus. Sinasabi niya, “Gayon din ang gawin mo. Umibig ka.” Bakit? Dahil alam niya na ang pag-ibig ay manggagaling lamang sa Diyos. At kaya ninyo lang umibig kapag naging bagong nilalang na kayo. At kaya, paano ito magagawa, kung gayon? Sa pamamagitan lamang ni Cristo!

Nakikita na natin ngayon ang sagot sa tanong natin sa simula, “Paano ko mamamana ang buhay na walang hanggan?”, ito ba’y sa pagsasabi ng, “maniwala kay Jesus” o “tuparin ang mga hinihingi ng pag-ibig”? Hindi “o”! Kailangan pareho nito. Walang paraan na mapapaghiwalay ang dalawa dahil maliban na lang kung maniniwala kayo kay Jesus, hindi kayo maaaring umibig. Maliban na lang kung darating si Jesus sa inyong buhay at gagawin kayong isang bagong nilalang, hindi kayo maaaring umibig. Kung hindi ninyo kayang umibig, hindi ninyo matutupad ang kanyang kautusan. Kung hindi ninyo kayang matupad ang utos niya, hindi ninyo mamamana ang buhay na walang hanggan.

Sa ibang mga salita, kung gayon, maliligtas tayo hindi dahil pinawalang-bisa ng Diyos ang kautusan, hindi dahil kakargahin tayo ng Diyos paiwas sa kautusan. Hindi ito tulad ng isang mag-aaral na, sa pagkuha ng isang pagsusulit niya, dahil hindi niya kayang ipasa ang pagsusulit, at kaya, ang nakatatandang kapatid niya ang kukuha ng test para sa kanya. Ano ang reaksiyon ninyo rito? Tama bang gawin ito? Sa China, tinatawag namin itong ‘go zou bi’; isang pandaraya. Hindi, hindi! Kung hindi ninyo maipasa ang pagsusulit, si Jesus ang kukuha ng pagsusulit para sa inyo? Hindi ito ang itinuturo ng Biblia. Hindi ito katanggap-tanggap kahit sa pamantayan o ‘standard’ ng tao. Pero, ang ginagawa ng Diyos ay ibinibigay niya sa inyo ang kakayahan – ang pang-utak at espirituwal na kakayahan – para humayo kayo’t kunin ang pagsusulit sa lakas niya, sa grasya niya, sa anumang ibinigay niya sa inyo – ang kaalaman niya, ang katalinuhan o ‘wisdom’ niya, ang kapangyarihan niya – at maipapasa ninyo ang pagsusulit.

Gayon ginagawa ng Biblia ang mga bagay-bagay. Ngayon, totoong kahanga-hanga iyon! Walang panlilinlang. Para lamang itong pagtulong sa inyong nakababatang kapatid. Hindi ninyo kukunin ang pagsusulit para sa inyong nakababatang kapatid dahil lang magkamukha kayo. (Narinig ko na may kambal na kumukuha ng pagsusulit para sa isa’t-isa.) Pero ito’y pagtulong sa inyong nakababatang kapatid sa pagsasabing, “Okey, naibagsak mo ang pagsusulit. Ngayon, tutulungan kita. Tuturuan kita. Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng nasa akin para maipasa mo ang pagsusulit.” Hindi ito isang mabuting halimbawa, siyempre, pero isang munting paglalarawan lamang.

Ang ginagawang tulong ng Diyos sa atin, kung gayon, na may kaugnayan sa kautusan ay hindi ang pandaraya niya sa kautusan, ni ang pag-aangat sa atin paiwas sa kautusan, ni hindi ang pagkuha niya ng pagsusulit para sa atin. Ang kanyang ginagawa ay ito: ibinibigay niya sa atin ang kanyang Espiritu Santo; nabubuhay siya sa atin. Pinupunan niya tayo ng kapangyarihan. At purihin ang Diyos! Nakakapasa tayo dahil sa kanyang grasya. Kaya, naliligtas tayo sa pamamagitan ng grasya. Hindi sa gawa, kundi sa kanyang grasya, sa paggawa niya sa atin na maging bagong nilalang, ang uri ng tao na masayang tumutupad sa kanyang kautusan, isinasakatuparan ang kanyang mga utos.

Pananalig na Nakaliligtas – Pananalig na Kumikilos sa Pag-ibig

At kaya, sa 1 Juan 5 mababasa natin ito, na may kaugnayan sa ating talinghaga. May nasabi ba si Apostol Juan tungkol sa pagpapawalang-bisà sa kautusan? Wala! Pero ito ang kanyang sinasabi: na kailangang ilagay ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, sa paggawa niya sa atin bilang mga bagong nilalang, na natatagpuan nating kalugud-lugod ang kanyang mga kautusan, hindi mabigat. At kaya, mababasa natin ito sa 1 Juan 5:1-4:

Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ay siyang Cristo ay ipinanganak ng Diyos, at ang bawat umiibig sa magulang ay umiibig din naman sa anak.

Paano natin malalaman na naniniwala tayo kay Jesus?

Dito’y ating nakikilala na iniibig natin ang mga anak ng Diyos, kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad natin ang kanyang mga utos. Sapagkat ito ang pag-ibig sa Diyos, na ating tuparin ang kanyang mga utos at ang kanyang mga utos ay hindi pabigat. Sapagkat ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay dumadaig sa sanlibutan at ito ang tagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.

Kaya nalalaman natin na ang pananalig at pag-ibig, pag-ibig at pananalig, ay parating magkasama sa turo ayon sa Kasulatan. Tayo’y ipinanganak mula sa Diyos, at sa gayon, tayo’y umiibig. Dahil tayo’y umiibig, tinutupad natin ang kanyang mga utos. Hindi nakakabigat ang mga utos niya. At ang lahat ng ito ay nagagawa sa pamamagitan ng pananalig natin. At ngayon, dito, dumadayo na tayo sa huling pakahulugan ng pananampalataya. Ang pananalig mismo ay ipinapakahulugan sa pamamagitan ng pag-ibig. Ito ang pananalig na nakakapagligtas o ‘saving faith’.

May iba’t-ibang uri ng pananalig na ating pinag-uusapan. Pero ang pananalig na handang ibigin ang Diyos nang buong puso, nang buong pag-iisip, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, iyon ang pananalig na nakaliligtas, dahil, sa katunayan, ang pananalig na iyon ay ipinapakahulugan sa pamamagitan ng pag-ibig. Pero nais kong bigyang-diin muli sa inyo na maraming uri ng pananalig sa Bagong Tipan at itinuro ko na ito sa inyo noon. Sapat nang sabihin ngayon na kapag ang pananalig ay ipinakahulugan sa pamamagitan ng pag-ibig, isang pananalig na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig, kung gayon, pinag-uusapan natin ang tungkol sa pananalig na nakakapagligtas o ‘saving faith’.

Kaya, magtatapos tayo sa napakahalagang puntong ito. Tandaan ninyo ang isang bagay: Tayo’y naliligtas hindi lamang sa kung ano’ng ating pinaniniwalaan, hindi lamang sa kung ano’ng ating ginagawa, kundi sa kung ano tayo nagiging sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos at ng kanyang grasya. “Ako ay ako, sa grasya ng Diyos.” [1 Corinto 15:10] At kaya, tayo’y naliligtas.

At ito ang kahanga-hangang turo ng kaligtasan sa Biblia – hindi lamang sa pagsasabi sa iba ng, “Naniniwala ka bang mamatay si Jesus?” Ano ang halaga ng paniniwala kung wala siyang kahit katiting na pag-ibig sa kanyang puso? Tingnan lang ninyo kung paano umaasal ang mga Cristiano ngayon. At ano ang halaga ng paghayo at paggawa ng mabubuting bagay kung gagawin ninyo ang mga ito nang walang pag-ibig sa inyong puso? Sa halip, tingnan ang itinuturo ng Biblia – maliligtas tayo sa pagiging bagong nilalang, sa kung kaninong puso ibinubuhos ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kayo’y naliligtas sa pagiging bagong nilalang! Iyon ang itinuturo ng Panginoong Jesus sa Talinghaga ng Mabuting Samaritano. Nawa’y tulungan tayo ng Diyos na maunawaan ang kanyang salita!

Ito’y isang na-edit na pagsasapapel ng mensahe. Inaako ng mga editors ang buong responsibilidad sa pagkakaayos at pagdagdag ng mga reperensya mula sa Biblia.

Katapusan ng mensahe.

Ginamit ang Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001.

² Sa talababâ kaugnay sa Galacia 6:15, sinasabi na nakasulat sa ibang manuskrito ang mga salitang “kay Cristo Jesus”.

 

 

(c) 2021 Christian Disciples Church